PatrolPH

Ilang grupo nababahala sa paghabol ng China ship sa PH vessel na may sakay na news team

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2021 07:59 PM

Watch more on iWantTFC


 
MAYNILA - Nabahala ang ilang grupo at eksperto sa paghabol ng barko ng China sa isang fishing vessel sa West Philippine Sea na may kargang mga miyembro ng ABS-CBN News team. 

Para sa UP College of Mass Communication, paglabag sa batas ang paghahabol sa silbilyang barko. 

"Whether or not China was aware of the presence of the ABS-CBN crew on coverage, the unprovoked threat of the use of force against an unarmed civilian vessel is prohibited under the United Nations Charter and customary international law," anila sa isang pahayag. 

Nanawagan din sila sa gobyerno na aksyunan ito at maghain ng diplomatic protest para makiisa sa pagkondena sa umano’y pananakot sa media. 

"We call on the Department of Foreign Affairs (DFA) to file a diplomatic protest condemning in no uncertain terms the unprovoked threatening naval military maneuver made by the PLA Navy of China against a Philippine civilian vessel within the Philippine EEZ and while said Philippine vessel was already headed for Palawan," dagdag pa nila. 

Nanawagan din ito sa iba pang mamamahayag na maging matapang sa paglalahad ng militarisasyon ng Tsina sa West Philippine Sea. 

Matatandaan na sumama ang ABS-CBN News sa isang Pinoy fishing motorboat para masilip ang kalagayan ng mga mangingisda sa West Philippine Sea. 

Habang naroon, may lumitaw na barko ng China coast guard sa tabi nito, na pumihit at mabilis na naglayag sa direksiyon ng lantsa. Isang oras bumuntot sa magkabilaang bahagi ng lantsa ang China boat. Lumitaw kalaunan ang isang Houbei type 22 missile fast attack craft ng Chinese Navy.

Iniimbestigahan na ng pamahalaan ang nangyaring paghahabol sa motorboat. 

Kung mapatunayan, sinabi ng DFA na kakausapin nila ang gobyerno ng Tsina tungkol dito. Nagpasalamat din silang ligtas ang mga sakay ng bangka pero nagpaalalang kailangan na makipag-ugnayan muna sa mga awtoridad bago pumunta sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea. 

BASAHIN:

Halos parehas ito sa paalala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kailangan ng “prudence” o pag-iingat ng mga miyembro ng media na gustong mag-cover ng West Philippine Sea. 

Pero nilinaw ni ABS-CBN reporter Chiara Zambrano, na nakipag-ugnayan ang news team sa AFP bago, habang, at matapos maglayag sa West Philippine Sea. 

Para sa National Union of Journalists of the Philippines, walang mali sa ginawa ng ABS-CBN News team na sakay ng isang bangkang sibilyan. Ligal umano ito at maituturing na ligtas. 

“The team was in a civilian boat sailing in Philippine waters, an act that is legal in the Philippines and presumably safe,” ani NUJP sa isang pahayag. 

Para rin sa NUJP, dapat tanungin kung ano ang hindi ginagawa ng AFP at ano ang ginagawa ng militar ng Tsina doon, at paano ito sosolusyonan ng administrasyon. 

"Whether or not China was aware of the presence of the ABS-CBN crew on coverage, the unprovoked threat of the use of force against an unarmed civilian vessel is prohibited under the United Nations Charter and customary international law," anila sa isang pahayag. 

Diretsahang sinisi naman ni Maritime Law Expert na si Jay Batongbacal si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagiging mapangahas ng Tsina sa sariling karagatan ng Pilipinas. 

“Dahil ginawa niya itong nakaraang apat na taon, actually ‘yan ang dahilan kung bakit tayo nasa ganitong sitwasyon. ‘Yung pagsasabi niya lagi before na wala tayong magagawa, na pinapayagan niya lang ang China na mangisda diyan, all of that is the reason why nagagawa ng China ngayon ito,” ani Batongbacal. 

Ayon kay dating Senador at dating AFP chief Rodolfo Biazon, dapat magsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu. 

"We have to hear the president, and our allies have to hear very clearly, ano ba ang posisyon ng Pilipinas? Hindi ko nadidinig. Kung naniniwala siya doon sa sinasabi ng dalawa na iyan, ay iparamdam niya sa ating mga Pilipino at sa ating mga kaalyado, ‘yun ang posisyon ng Pilipinas. Otherwise, where are we?" ani Biazon. 

— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.