Bangkay ng lalaking may tama ng bala natagpuan sa South Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2020 11:32 AM

TUPI, South Cotabato — Isang bangkay ng 69-anyos na lalaki ang natagpuan sa gilid ng kalsada noong Huwebes ng umaga sa bayan na ito.

Kinilala ang biktima na si Medardo Pestano, na nakitaan ng tama ng bala sa panga.

Sa salaysay ng mga residente sa Tupi Municipal Police Station, pasado alas-5 ng madaling araw nang may narinig silang putok ng baril.

Kinaumagahan bandang alas-7 ay nakita na lang nila ang bangkay ni Pestano.

Narekober sa crime scene ang 2 basyo ng bala at isang baril na inaalam pa kung pag-aari ng biktima.

Ayon sa pulisya, nakausap nila ang pamilya ng biktima at sinabi daw nilang papunta itong Davao City para maghanap ng trabaho.

Inaalam na ngayon ng pulisya kung sino ang nasa likod ng pamamaril at kung ano ang posibleng motibo dito.

—Ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.