School guard suspek sa pagpatay ng dalagitang nakita sa septic tank - pulisya

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 07:59 AM

MANILA--Tinutugis ng mga awtoridad ang isang security guard na hinihinalang sangkot sa pagpatay sa 14-anyos na estudyanteng natagpuan sa isang septic tank ng pampublikong paaralan sa Danao, Cebu, sinabi ng pulisya ngayong Miyerkoles. 

Tatlong araw nang hinahanap ng kaniyang pamilya ang biktimang si Tesa Marie Ygay bago siya nakitang patay sa likuran ng Cogon Cruz Integrated School nitong Lunes.

Nanligaw ang 34-anyos na guwardiyang si Jessie Mediquillo sa bata, ayon sa kaniyang mga magulang, sabi ni Cebu police spokesperson Lt. Col. Eloveo Marquez. 

Kuwento naman aniya ng ilang testigo, madalas na nasa guardhouse ang bata tuwing naka-duty si Mediquillo. Magkasama rin aniya ang 2 sa guardhouse bago nawala ang biktima. 

Ani Marquez, posibleng sa guardhouse pinatay si Ygay dahil may mga bakas ng dugo roon. 

Maaaring hindi pa aniya nakakaalis ang suspek sa Danao. 

"Ongoing po ang manhunt operations natin doon sa suspek," sabi ni Marquez sa panayam ng DZMM. 
 
"Iyung story natin is one-sided sa ngayon," dagdag ng opisyal. 

Hindi na pumasok sa trabaho ang guwardiya simula noong Sabado, una nang sinabi ng pulisya.