PatrolPH

Pagsuspende sa pagpapatupad ng 'doble plaka law,' posible ba?

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 02:01 PM | Updated as of Apr 10 2019 02:15 PM

Watch more on iWantTFC

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan lang na nais niyang ipasuspende ang Motorcycle Crime Prevention Law. 

Kasunod ito ng pag-angal ng mga motorcycle rider sa utos ng batas na dapat dalawang plaka ang nakakabit sa motorsiklo. 

Dahil napirmahan na ang batas, iginiit ng abogadong si Claire Castro na hindi na ito maaaring isuspende ng pangulo. 

Kung may babaguhin sa pagpapatupad ng batas ay dapat gumawa ang Kongreso ng panukala na magsususpende rito. Matapos noon ay idaraan ang panukala sa karaniwang proseso ng paggawa ng isang batas. 

"Kung magkakaroon ng suspension, aandar ang obligasyon ng Kongreso. Kasi sila naman, kung magkakaroon ng amendment, sila (Kongreso) ang gagawa. Hindi na puwede ang pangulo kasi batas na iyan," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" noong Martes. 

Pero dahil hindi pa kasado ang IRR nito ay maaari naman daw ibalangkas ang IRR nang naaayon sa mga hinaing ng mga rider partikular na sa disenyo ng plaka. 

Maaari rin daw "bagalan" ang paggawa ng IRR ng batas para masusing pag-aralan kung paano nila matutugunan ang hinaing ng mga rider ukol dito. 

"Kung nahihirapan silang mag-isip, mag-design, puwede siyang 'impliedly' i-suspend. Aamyendahan sa IRR ang hinaing ng rider," ani Castro. 

Sinabi rin noon ni Duterte na nais na niyang makausap ang may-akda ng batas na si Senador Richard Gordon ukol dito. 

Paliwanag naman ni Gordon hindi doble-plaka ang layunin ng batas at maaari namang gawing decal o sticker na lang ang isang plaka kung kaligtasan ang hinaing ng mga rider. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.