Pagpapadala ng manggagawa sa Tripoli, Libya pinagbawal

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 07:23 PM

Iniutos na ng gobyerno ang total deployment ban ng overseas Filipino workers sa Tripoli, Libya. 

Kinumpirma ito ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa panayam sa DZMM ngayong Miyerkoles. 

Sakop ng deployment ban ang pagproseso at paglipad ng OFW sa Tripoli at mga lugar na 100 kilometrong radius ang layo mula sa kabisera. 

Kaugnay ang deployment ban ng gulo sa Libya dahil sa girian ng mga paksiyon sa Tripoli, kung saan 47 na ang patay at 181 ang sugatan. 

 Ayon kay Bello, napagkasunduan ang ban nang magpulong ang Department of Foreign Affairs at ang Philippine Overseas Employment Administration, na siyang naglabas ng resolusyon sa ban.

"The POEA governing board in a meeting duly convened resolved as it is hereby resolved after consultation with the DFA, hereby imposes a deployment ban on the processing and deployment of all OFWs in Tripoli and areas within the 100-kilometer radius of the capital," ayon sa resolusyon. 

Sa impormasyon ng Department of Labor and Employment, nasa 2,000 OFW ang nasa Libya. Karamihan umano sa mga nagtatrabaho roon ay mga nurse o mga trabahador sa mga oil field. 

Iniutos na rin ng ng DFA ang voluntary repatriation o pagpapauwi sa mga OFW sa Libya para masiguradong ligtas ang mga Pinoy na naninirahan sa nasabing bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.