Kumalma sa biyahe, pakiusap ng SLEX sa mga motorista

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 08:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang pamunuan ng South Luzon Expressway na maging kalmado sa pagmamaneho ngayong Semana Santa, kung saan inaasahan ang pagdami ng sasakyan sa kalsada. 

Dapat habaan ang pasensiya sa kalsada sa pagdami ng pasahero ngayong Semana Santa para maiwasan ang road rage, ayon kay Manuel Bonoan, pinuno ng Skyway Corporation. 

"Mainit ngayon ang panahon. We would like to ask our motorists, maging mahinahon sa kanilang pagmamaneho," ani Bonoan. 

Ayon sa SLEX, inaasahan ang 10 porsiyentong dagdag sa bilang ng mga bibiyahe ngayong Semana Santa. 

Inihahanda na rin nila ang seguridad at mga help desks para makatulong sa mga motorista sa susunod na linggo. 

"We have already pre-deployed 'yung mga patrollers and stations natin para sa roadside assistance aside from the regular tellers. We have increased actually 'yung mga stand-by toll tellers namin," ani Bonoan. 

Muling nanawagan ang SLEX na siguraduhing maayos ang kondisyon ng sasakyan bago isabak sa mahabang biyahe para maiwasan ang pag-o-overheat ng makina ng sasakyan, na karaniwang problema sa tag-init. 

Dapat din daw planuhin nang mabuti ang biyahe.

Inaasahan na mula Abril 17, 18, at 20 magiging mabigat ang daloy ng trapilo sa southbound na bahagi ng SLEX, lalo na sa Calamba Toll Plaza, Carmona, Sta. Rosa, Eton-Abi Exit, Cabuyao, at Ayala Toll Plaza. 

Inaasahan din ang mataas na volume ng sasakyan sa southbound na bahagi ng Star Tollway sa parehong panahon. 

Tinatayang nasa 370,000 sasakyan ang bumabaybay sa expressway araw-araw. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.