Kagawad patay sa pamamaril sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 02:53 PM | Updated as of Apr 11 2019 10:34 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Napatay nitong umaga ng Miyerkoles ang isang kagawad sa Barangay Panghulo, Malabon, ayon sa pulisya.

Nakasakay ng motorsiklo ang biktimang si Dante Sih nang barilin siya ng hindi pa nakikilalang salarin sa isang talipapa, ayon kay Police Col. Jessie Tamayao, hepe ng Malabon police.

Isang putok ng baril sa likod ng ulo ang kumitil sa buhay ng biktima.

Naglakad umano palayo ang salarin matapos ang pamamaril.

Maaari raw pinag-aralan ng gunman ang kilos ni Sih dahil binaril ito sa lugar na hindi hagip ng mga CCTV camera, ani Tamayao.

Iniwan din ng gunman ang isang papel na nagsasabing hoodlum umano si Sih at nangingikil, na pinabulaanan naman ng kapatid.

Patuloy na inaalam ang motibo sa pamamaslang at kung may kinalaman ito sa halalan sa Mayo.

Sa isang pahayag, kinondena naman ni Malabon Mayor Antolin "Lenlen" Oreta III ang pamamaslang sa kagawad.

Nag-alok na rin ng P200,000 pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon ukol sa gunman.

Naniniwala naman si Malabon Vice Mayor Jeannie Sandoval na politika ang motibo sa pamamaslang kaya hinamon niya ang Commission on Elections, Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police na imbestigahan ang insidente.

--Ulat nina Jeck Batallones at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.