Caloocan, QC, Valenzuela makararanas ng water interruption: Maynilad

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 04:51 PM | Updated as of Apr 10 2019 04:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Makararanas ng pansamantalang pagkawala ng tubig ang ilang lugar sa Metro Manila na sineserbisyuhan ng Maynilad, ayon sa opisyal ng water concessionaire. 

Mawawalan ng suplay ng tubig ang ilang lugar sa Caloocan City, Quezon City, at Valenzuela City tuwing alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw, ayon kay Maynilad Corporate Communications head Jennifer Rufo.

Ayon kay Rufo, regular na inaanunsiyo sa Facebook page ng Maynilad ang mga apektadong lugar at iskedyul ng service interruption.

Ang "off-peak" water interruption ay bunsod ng pagbaba ng antas ng tubig sa Bagbag Reservoir, ani Rufo.

Tiniyak naman ni Rufo na hindi mararanasan ng kanilang mga kostumer ang nangyari sa ilang sinusuplayan ng tubig ng Manila Water noong nakaraang buwan.

Nakaranas noong nakaraang buwan ng mahinang suplay hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig ang 1.2 milyong kabahayang sineserbisyuhan ng Manila Water sa silangang bahagi ng Metro Manila at sa Rizal province.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.