Bam Aquino ikinampanya ng ina sa balwarte ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 11:34 AM

Bumisita sa Davao City ang ina ni Sen. Bam Aquino para ikampanya siya, Abril 10, 2019. ABS-CBN News

DAVAO CITY--Ikinampanya ng kaniyang Davaoeña na ina si reelectionist Sen. Bam Aquino dito sa balwarte ni Pangulong Rodrigo Duterte, Miyerkoles ng umaga. 

Taga-Davao City rin ang ginang na si Melanie Aquino, na nakipagpulong sa mga residente ng Barangay Matina Pangi. 

"Napaka-inspiring ng aking lakad dito sapagkat lahat ng pinuntahan ko mainit ang pagtanggap nila sa akin lalong-lalo na mainit ang pagtanggap nila sa aking anak na si Senator Bam," ani Melanie.

Hindi pa alam ng ginang kung kailan makakapunta sa Davao City ang anak, pero pinaplano na aniya ito ng kaniyang campaign managers. 

Una nang nakatanggap ng batikos si Aquino mula kay Duterte, na dating alkalde ng Davao City sa loob ng 2 dekada. 

Kuwento ni Melanie, wala namang problema ang kaniyang pag-iikot sa balwarte ng Pangulo kahit kabilang sa oposisyon ang anak. 

"Alam ko ang taga-Davao sinusuri din nila, alam na alam nila na isa naman po tayong demokrasya at bilang demokrasya may karapatan po tayong lahat na pumili at kahit eleksyon po ay welcome whether administration o opposition para makapili nang mabuti ang taumbayan," sabi niya. 

Nangampanya ang grupo ni Sen. Aquino sa Tagum City nitong Martes. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.