2 'nagnakaw ng motorsiklo' timbog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 02:57 PM | Updated as of Apr 10 2019 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto nitong Miyerkoles sa Las Piñas City ang 2 lalaki dahil sa umano ay pagnanakaw ng motorsiklo, ayon sa pulisya.

Ang mga suspek na may edad 18 at 14 ang sinasabing nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) camera na nagnakaw ng motorsiklo sa loob ng isang bahay sa Barangay Molino 6 sa Bacoor City, Cavite noong madaling araw ng Miyerkoles. 

Estilo ng mga suspek ang mag-ikot sa mga barangay tuwing madaling araw para mang-target at tumangay ng mga nakaparadang motorsiklo, ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

"Hindi na sa kalye, doon na sa mismong bahay ang nakawan," ani Cabatingan.

Ibebenta ng mga suspek ang mga nakaw na motorsiklo sa Las Piñas sa halagang P3,000.

Nabawi sa mga suspek ang ninakaw na motorsiklo.

Kabilang umano ang 2 suspek sa grupo ng mga menor de edad na sangkot sa mga insidente ng pagnanakaw ng mga motorsiklo sa Bacoor, Imus at Dasmariñas, ani Cabatingan.

Ibinigay sa kustodiya ng City Social Welfare and Development ang 14 anyos na suspek habang ikinulong naman ang 18 anyos.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.