Puerto Princesa, nangangamba sa 'food shortage' bunsod ng Boracay closure

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 02:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Malaking oportunidad para sa Palawan partikular na sa Puerto Princesa na madagdagan ang mga bisita sa loob ng anim na buwang pagsasara sa Boracay.

Handa naman daw ang mga tourist accommodation at travel and tours services sa nasabing pasyalan.
    

Gayunpaman, aminado ang Puerto Princesa City Tourism Office na nangangamba silang baka kulangin sa pagkain ang lugar.
 
Ito rin ang saloobin ng ilang restaurant owner na ngayon ay tila nararamdaman na raw ang kakulangan sa suplay ng seafood.

"Sa restaurant business, isa iyan sa mga pinangangambahan namin," ani Eric Yayen, may-ari ng isang kainan sa lugar. 
    
Karaniwan daw kasi na El Nido at Coron ang may mataas na demand at doon ibinabagsak ang suplay.
 
Para naman sa iba, pabor sa kanilang negosyo ang pansamantalang pagsasara ng Boracay pero baka naman daw ang kalikasan sa Palawan ang mapinsala.
 
"Sa maikling panahon lang tayo masaya na maraming turista, maraming kita pero pag tumagal na nang 2 taon, wala na, sira na ang Palawan,” ani Nonoy Lanzanas, isang negosyante. 
 
Mungkahi nila, baka puwedeng mag-usap ang lahat ng sektor sa lungsod para mapaghandaan ang dagsa ng mga turista.
    
Maaari rin daw kausapin ang mga supplier ng pagkain gaya ng seafood na huwag nang lumabas ng Puerto Princesa.

Kakayanin at mabibigyan naman daw ng maayos na serbisyo ang mga bisita pero kailangang pagtulungan ito ng pribadong sektor at lokal na pamahalaan.
    
Kailangan din umano itong talakayin at tutukan ngayon bago pa man magsara ang Boracay at dumagsa sa Palawan ang mga bisita. 
    
--Ulat ni Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.