'Pangakong' $9.8 bilyong puhunan sa Pinas, pinirmahan sa Tsina

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 11:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinirmahan na sa Tsina nitong Martes ang 10 kasunduan o pangakong puhunang sinasabing katumbas ng $9.8 bilyon para sa Pilipinas. 

Inaasahang makalilikha ng 10,800 trabaho ang mga pinirmahang kasunduan.

Ang ilang kasunduan ay may kinalaman sa pagpapaunlad ng agrikultura ng Pilipinas, gayundin ang pagkuha ng mga gurong Pinoy na puwedeng magturo ng Ingles sa Tsina.

Bago naman ang pirmahan ng investment pledges, ibinida rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Boao Forum for Asia sa Hainan, China ang mga reporma ng kaniyang administrasyon para sa bansa, sabay latag ng mga programa para sa lalong pag-unlad ng ekonomiya. 

Isa ang Pangulo sa piling world leaders na nagtalumpati sa opening plenary ng forum na naglalayong isulong ang kooperasyong pang-ekonomiya sa mga bansa dito sa Asya Pasipiko at sa iba pang rehiyon.

Sa kanyang maikling talumpati, sinabi ni Duterte na determinado ang Pilipinas na lalo pang paigtingin ang kooperasyon sa ibang mga bansa at gamitin ang potensiyal para sa paglago ng ekonomiya ng rehiyon. 

Hinikayat din niya ang ibang mga bansa na makipag-"cooperate, coordinate, and collaborate" (makipagtulungan, makipag-ugnayan, magkasundo) para makamit ang pangarap na sabay-sabay na pag-unlad. 

Ipinagmalaki rin ng pangulo ang nagawa ng kaniyang administrasyon para sa economic development tulad ng aniya’y pinagandang peace and order situation ng bansa, ang laban sa korupsiyon at ilegal na droga, at ang pagpapatatag ng mga polisiya na magbebenepisyo sa mga negosyo. 

Gamit ang good governance bilang basehan ng economic policy ng administrasyon, layon aniya ng bansa na pataasin ang investment lalo na sa impraestruktura, innovation, at interconnectivity.

Inilatag ng pangulo ang planong maglaan ng 5 to 7 percent ng gross domestic product para sa impraestruktura, pababain ang poverty rate mula 22 percent sa 2015 sa 14 percent sa 2022, at makakuha ng 6-7 percent na economic growth taon-taon hanggang 2022.

Bukod sa pangulo, nagsalita rin sa forum ang iba pang world leaders tulad nina Chinese President Xi Jinping, Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong, IMF Managing Director Christine Lagarde, at United Nations Secretary-General António Guterres. 

Inaabangan ang bilateral meeting ni Duterte kay Xi kung saan ilang kasunduan ang nakatakdang pirmahan. Pagkatapos ng kaniyang meeting ay nakatakdang lumipad ng gabi ng Martes si Duterte papuntang Hong Kong para makipagpulong sa Filipino community doon.

Narito ang ilang kasunduang pipirmahan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina:

- Agreement on Economic & Technical Cooperation between the Government of the Republic of the Philippines and the Government of the People's Republic of China; 

- Exchange of Letters on the Phase III of Technical Cooperation Project for the Agricultural Technology Center of the Philippines; 

- Preferential Buyer Credit Loan Agreement for the Chico River Pump Irrigation Project between the Government of the Republic of the Philippines and the Government of the People's Republic of China; 

- Exchange of Letters for the Pre-Feasibility Study of the proposed Davao City Expressway Project; 
    
- Exchange of Letters on Providing a Batch of Broadcasting Equipment to the Presidential Communications Operations Office of the Philippines; at 

- Memorandum of Understanding on the Employment of Filipino Teachers of English Language in China. 

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.