Pagpuga ng 20 preso, huli sa CCTV

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 09:48 AM | Updated as of Apr 10 2018 05:52 PM

Tanging anim na preso pa lamang, mula sa 17 na pumuga sa piitan madaling araw ng Abril 10, 2018 ang naaresto muli ng awtoridad sa Zamboanga City. Jewel Reyes, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Nasapul ng CCTV ang pagtakas ng 20 preso mula sa Police Station 6, Martes ng madaling araw.

Sa security camera, makikitang sabay-sabay na tumakbong palabas ng police station ang mga preso kung saan natumba pa sa daan ang isa sa kanila habang tumatakas.

Isang pulis naman ang agad na humabol sa kanila at nagpaputok pa ng warning shot pero hindi rin siya pinansin ng mga preso.

Isang preso lang ang kaniyang naibalik sa kulungan.

Lumabas na rin ang iba pang naka-duty na pulis na hindi pa naka-uniporme.

Sa 20 preso na pumuga, 4 sa kanila ang agad na nahuli. Naaresto na din ang iba sa kanila sa isinagawang hot pursuit operations ng awtoridad, Martes ng umaga.

Dalawang preso ang naaresto ng mga awtoridad, Martes ng hapon. Isa na dito si Adzri Juhuri, na nahuli ng opisyal ng barangay sa San Jose Gusu.

Sa bahay ng kamag-anak umano nagtago si Juhuri pero may nagsumbong din sa mga opisyal ng barangay na isa siya sa mga pumugang preso.

Nahuli naman sa Barangay Pasonanca ang isa pang preso na si Lexandrous Manug.

Ayon sa kaniya, sa bahay ng pinsan siya pansamantalang nagtago pero mismong mga kamag-anak din niya ang nagsumbong sa mga pulis ukol sa kinaroroonan niya.

Sa ngayon, nasa 3 preso na lang ang hindi pa nahuhuli ng mga pulis.

Ayon kay Senior Supt Neri Vincent Ignacio, director ng Zamboanga City Police Office, nagpakalat na sila ng mga pulis sa mga posibleng exit points ng mga preso.
 
Nagpakalat na rin sila ng mga larawan ng 3 preso sa public transportation drivers at sa mga opisyal ng barangay at mga tanod.

Naniniwala si Ignacio na hindi pa nakalalabas ng Zamboanga City ang tatlong preso.

Nanawagan naman si Faujiya Rabbultan, misis ng sa isa sa 3 preso, na sumuko na lang sa awtoridad.

Sana umano ay maawa ang asawa sa kaniyang kondisyon at sa kanilang magiging anak. Dalawang buwang buntis si Faujiya na pang-13 na asawa ni Solayman Sali.

Umaasa ang pulisya na sa loob ng 24 oras ay maaresto na nila ang 3 natitirang preso na pumuga sa estasyon ng pulis.

Samantala, inaasahang tatanggalin naman sa kanilang pwesto ang humigit 30 pulis na naka-duty nang mangyari ang jailbreak, kasama dito ang kanilang hepe na si Supt Hadjiri Langgal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.