Mag-ina, patay sa sunog sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 08:16 AM | Updated as of Jan 24 2019 06:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Patay ang isang mag-ina sa sunog na sumiklab sa kanilang bahay sa Tala, Caloocan City Lunes ng gabi.

Hindi na makilala ang mga labi ng 74-anyos na ginang at lalaking anak nitong 51-anyos nang marekober sa kani-kanilang kuwarto.

Hindi pa malinaw kung paano nagsimula ang sunog pero kumbinsido ang pamilya na ang lalaking biktima ang posibleng may kagagawan sa insidente. May sakit umano ito sa pag-iisip.

Kuwento ng kapatid ng lalaking biktima, nagwala umano ito sa labas ng bahay bago sumiklab ang sunog. Napilitan siyang ipasok ito sa bahay.

"Ginapos ko po para di nagwawala. Nagpatulong pa ako sa barangay para ipasok dito," aniya.

Iniwanan muna niya ang mga biktima para bantayan ang bahay nang kaniyang ate nang biglang sumiklab ang sunog.

Sa loob lamang ng higit isang oras, natupok na ang buong kabahayan. Damay din ang isang bakery at salon.

Nang maapula ang apoy, natuklasan na hindi pala nakalabas ang 74-anyos ng ginang at ang lalaking anak nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, dati na raw nakitaan na may bitbit na gasolina ang lalaking biktima.

Dati raw itong nagtrabaho sa Kuwait pero nagkasakit nang umuwi sa bansa.

"Hindi na nakainom ng gamot. Bumabalik ang sakit," ani ng kapatid.

Tinatayang nasa P500,000 ang halaga ng pinsala ng sunog. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.