Deadline sa paghahain ng income tax, nausog sa April 16

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 10:39 PM | Updated as of Jan 26 2019 09:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniatras ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Lunes, Abril 16, ang deadline ng paghahain ng personal at corporate income tax.

Naurong ito ng isang araw mula sa dapat na deadline na Abril 15 na pumatak sa araw ng Linggo.

Umaapela naman ang BIR sa mga maghahain ng buwis na huwag nang magpatumpik-tumpik at huwag nang hintayin pa ang deadline ng income tax filing. 

Paalala rin ng BIR, ang kita noong 2017 pa ang basehan ng income tax na ihahain ngayong taon.

Hindi naman kailangang maghain ng income tax ng mga sumusunod:
 1. Minimum-wage earners;
 2. Mga indibidwal na hindi sumobra ang income sa personal/additional exemption; 
 3. Regular employees na pasok sa substituted filing o mga manggagawang kinaltasan na ng buwis ng solong employer. 

Kailangan namang maghain ng income tax ng mga sumusunod:

 1. Manggagawang may iba-ibang source ng kita kahit galing sa iisang kompanya; 
 2. Self-employed gaya ng professionals o talent; 
 3. Mga indibidwal na may iba-ibang mga employer. 

Nakahanda na ang BIR sa mga kailangan ng tulong sa paghahain ng buwis. 

Puwede ring gawin ang tax filing online kahit saan basta mayroong internet.

"Downloadable from the website is the e-BIR form software version 6.4 po tayo ngayon," ani Atty. Marissa Cabreros, tagapagsalita ng Bureau of Internal Revenue.

Malalaman din ng empleyado kung sobra ang kaltas na income tax na dapat mai-refund.

"If it's a situation na [ang] employee [ay] sobra-sobra ang withholding [tax], dapat po ang magre-refund ay employer, hindi BIR," paliwanag ni Cabreros. 

Pinag-aaralan naman ng BIR para sa susunod na income tax filing kung paanong puwedeng mabawasan ang mga dokumentong dapat lagdaan ng mga maghahain ng buwis.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.