'Catch-up immunization' kontra tigdas, ikakasa sa NCR, Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 09:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magkakasa ang Department of Health (DOH) ng "catch-up immunization" sa National Capital Region (NCR) at Mindanao para maiwasan ang paglaganap ng mga kaso ng tigdas sa bansa.

Sa Abril 25 hanggang Mayo 24 idaraos ang unang round ng immunization sa NCR habang Mayo 9 hanggang Hunyo 8 naman sa Mindanao, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Dagdag ni Duque, layunin ng kanilang "catch-up immunization" na mabakunahan ang mga bata sa bawat barangay at purok.

Posible raw kasing ang mga nagkakaroon ng tigdas ngayon ay hindi nakapagpabakuna noong mga bata pa sila, o hindi na nagpabakuna matapos pumutok ang isyu sa Dengvaxia.

Kabilang sa mga lugar kung saan may idineklarang measles outbreak nitong taon ang Davao City, Zamboanga City, Taguig, at Negros Oriental.

BAKUNA MULA PAGKAPANGANAK

Ipinaliwanag naman ni Health spokesperson Lyndon Lee-Suy ang serye ng mga bakunang natatanggap ng isang bata mula pagkapanganak.

Sa loob ng isang araw matapos ipanganak ang isang sanggol, ani Lee-Suy, binibigyan na siya ng Bacillus Calmette–Guérin vaccine pangontra sa sakit na tuberculosis at bakuna kontra Hepatitis B.

Pagtuntong aniya ng bata sa isa't kalahating buwan ay may mga listahan ulit ng mga bakunang ibibigay.

Pagtuntong naman ng bata sa ikasiyam na buwan, bibigyan na siya ng bakuna laban sa tigdas, beke, at rubella o German measles.

Isa si Rinbee Alvarez sa mga inang tinitiyak na regular niyang napapabakunahan ang anak.

Sa pamamagitan ng immunization card ng apat na buwan niyang sanggol, nakikita ni Alvarez kung kailan dapat pumunta sa health center at kung anong bakuna ang ituturok.

"Malaking proteksiyon naman [ito] at tsaka 'di mo naman gagawin 'yong process na gano'n kung hindi prescribed ng doctor," sabi ni Alvarez.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.