Bagong laya, patay sa pamamaril sa Navotas

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 04:53 AM | Updated as of Jan 24 2019 04:31 PM

MAYNILA - Patay ang isang bagong layang preso matapos pagbabarilin sa loob ng computer shop sa Barangay Tangos, Navotas City Lunes ng gabi.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at likod ng katawan si Nathaniel Aguilar, 34-anyos.

Paghihiganti ang tinitingnang motibo sa pamamaslang.

"Nalasing, nagwala, nagbato ng bato at tinamaan 'yung sasakyan doon sa labasan. 'Yun ho idinemanda siya," ani Rosa Aguilar, ina ng biktima.

Wala pang isang buwan na nakalalaya ang biktima dahil sa naturang kaso.

"Noong nakalaya ang anak ko, may nagsabi na ipapatira daw po kaya inilayo ko po. Pinapunta ko ng Caloocan di tumagal umuwi din," dagdag ni Rosa.

Sinisilip naman ng mga pulis ang ibang posilbleng motibo sa pamamaril.

Umapela naman ang pamilya ng biktima sa pulisya na tulungan sila na makamit ang hustisya. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.