ALAMIN: Maaaring parusa sa mga umano'y nangikil na opisyal ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 05:28 PM | Updated as of Jan 26 2019 09:02 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay nabalita ang pagsibak sa mga empleyado at tauhan ng Land Transportation Office (LTO) Bayombong District Office at Aritao Extension Office sa Nueva Vizcaya dahil sa umano'y pangingikil sa mga rice trader at trucker.

Umaabot umano sa P1 milyon kada araw ang kinikita ng mga opisyal ng gobyerno mula sa mga dumadaang delivery trucks ng bigas at matagal na rin umano itong nangyayari.

Ngunit ano nga ba ang maaaring iparusa sa mga naturang opisyal? 

Ito ang tinalakay ng abogadong si Atty. Claire Castro sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM nitong Lunes.

"We're talking of millions. Hindi ko nga alam kung puwede pa itong ipasok na plunder, diba ang plunder is P50 million, eh kung ilang beses na 'to, kung hindi lang P1 million a day ito, papasok siya kasi hindi lang ito ngayon," sabi ni Castro.

Kung pasok sa plunder ang kanilang kaso, maaari umanong masentensiyahan ng reclusion perpetua ang mga nangikil na opisyal.

Extortion by public officials

Ipinaliwanag din ni Castro ang paksang extortion by public officials.

Nangyayari aniya ito kapag nakuha ng isang tao ang pagmamay-ari ng ibang tao gamit ang kaniyang posisyon o katungkulan.

"Itong extortion kasi eh ikinukumpara natin 'to sa Revised Penal Code natin sa robbery," sabi ni Castro.

"Kasi kumukuha ka ng something of value na pag-aari nu'ng isang tao through force, or kahit 'di mo pinepuwersa, pero may impluwensiya ka eh, may pananakot ka, may threat, na hindi naman ibibigay sa'yo ng boluntaryo kung wala 'yung threat na 'yon," dagdag ng abogado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.