2 patay, 6 sugatan sa bumagsak na crane sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 02:54 PM | Updated as of Jan 27 2019 08:01 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Dalawa ang patay matapos bumagsak nitong Martes ang isang crane mula sa isang ginagawang gusali sa may bahagi ng EDSA sa Pasay City, mag-aala-una ng hapon.

Mula sa ginagawang STI Academic Center, sa may kanto ng P. Calle Street at EDSA Extension, ang crane na bumagsak sa katabi nitong residential-commercial building na Core Town Building.

Bumagsak sa katabing gusali nitong Martes ang isang crane mula sa ginagawang STI Academic Center sa Pasay City. Kuha ni Val Cuenca

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director Tomas Apolinario, kabilang sa mga nasawi si Jonathan Diserdo, ang 32 anyos na crane operator mula sa Monocrete Construction.

Binawian din ng buhay ang isang kinilalang si Roy Delos Reyes na janitor umano sa Core Town Building.

Anim naman ang naiulat na sugatan. Kasama rito ang mga security guard na sina Kumbo Mabinay at Jay Ballon, 30 anyos na Chinese na si Liu Shen Xiu, at tatlong crane erector na sina Francisco Angcatan, Melvin Yosores, at Elmer Sedol.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng Pasay police na bumagsak ang crane matapos humina ang pressure ng hydraulic cylinder ng naturang crane.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa isang pahayag, sinabi ng Monocrete Construction Philippines na nagpadala na ito ng mga tauhan sa pinangyarihan ng aksidente at sa mga ospital kung saan sinugod ang mga biktima para magpaabot ng ayuda.

Prayoridad daw ng kompanya na makapagbigay ng tulong pampinansiyal sa lahat ng apektado.

Sinabi naman ng STI sa pahayag nito tungkol sa insidente na nakipag-ugnayan na ito sa mga kumpanyang may toka sa nagaganap na construction, ang Monocrete Construction Philippines, Inc. at ang Constech Management Group, Inc. 

Lumalabas sa inisyal na ulat, anang STI, na nag-collapse ang tower crane na pinaaandar ng contractor, na nagresulta sa aksidente. 

"At this early stage of the investigation, it appears that the accident is limited to the operation of the tower crane and has not affected the integrity of the building," sabi ng STI. 

May imbestigasyon na rin umano para tingnan kung nagkaroon ng 'lapse' o 'gap' na kailangang agad na asikasuhin. Isasapubliko ang resulta ng imbestigasyon sa tamang panahon, anang STI. 

Sa ngayon ay nakikiramay daw ang STI sa mga pamilya ng naapektuhan sa insidente. 

"We have extended our deepest sympathies to the affected families and have offered our support and assistance during this difficult time," sabi ng STI. 

-- Ulat nina Zandro Ochona at Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.