2 menor de edad na nagbebenta ng marijuana online, timbog

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 10:54 AM

Ibinebenta umano ng dalawang arestadong menor de edad ang mga pinaniniwalaang marijuana sa kanilang paaralan sa pamamagitan ng online transactions. Diana Lat, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY – Dalawang menor de edad ang nahuli na nagbebenta ng pinaniniwalaang marijuana sa isang buy-bust operation sa Barangay Bancao-bancao Martes ng madaling araw.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, nakakuha umano sila ng impormasyon na mga baguhan ang mga ito sa pagbebenta ng droga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ibinebenta umano ng 2 ang marijuana sa kanilang paaralan sa pamamagitan ng online transactions.

“’Yun ang modus nila, through Facebook -- sa online. May information din na ibinigay ang confidential informant namin na yung talagang market nila is mga estudyante rin,” sabi ni Christopher Torres, provincial officer ng PDEA-Palawan.

Nakabili ang PDEA ng hinihinalang marijuana na nakalagay sa karton ng posporo sa isa sa mga suspek.

Nang kapkapan ay nakunan pa ito ng balisong, dalawang self-sealing plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang marijuana, isang pipe, puting rolling paper, lighter, cellphone at P300 na buy-bust money.

Nakuha naman mula sa kasama nito ang isang pakete ng self-sealing plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang marijuana, papel na may marijuana, cellphone at susi ng motor.

"’Yung isang plastic na self-sealing is worth P500 daw. Sa initial na pag-uusap namin kanina, siguro all in all nasa P1000 plus lahat ‘yun," sabi ni Torres.

Agad namang ipinatawag ang mga magulang ng mga menor de edad.

Sasampahan ang mga ito ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa pagbebenta at pag mamay-ari ng iligal na droga.

Nakatakda namang ipa-drug test ang dalawa. Kung mag-positibo sa drug test, sasampahan din sila ng paglabag sa paggamit ng ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.