2 bata nalunod sa isang beach resort sa Leyte

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 05:46 PM

Nalunod ang 2 batang babae habang naliligo sa isang beach resort sa Barangay Tangnan, Carigara, Leyte nitong Linggo.

Kinilala ang dalawa na sina Erica Cajudo, 6, at Amanda May Codillo, 8.

Ang kapatid ni Amanda na si Renz Codillo ay nakaligtas at nakatakdang makalabas sa ospital nitong Martes.

Naisugod pa sa ospital ang 2 ngunit idineklarang patay na.

Ayon kay investigator SPO1 Terencio Verano, magkasunod lamang ang pagkalunod ng mga sa noong Linggo.

Ayon sa may-ari ng beach resort na si Jesus Marquez, hindi sila nagkulang na pagsabihan ang mga kaanak ng mga bata na bantayan ang mga ito kung maliligo o maglalaro upang makaiwas sa disgrasya.

Aminado rin ito na wala silang standby rescue team sa resort ngunit handa silang makipagtulungan sa mga awtoridad upang maiwasang maulit ang pangyayari.

Tinulungan din ng may-ari ng resort ang mga pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.