Ilang diving spots, pilgrimage sites sa Batangas napinsala ng lindol

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2017 12:33 PM

Nagtamo ng pinsala ang ilang sikat na diving spots at pilgrimage sites sa Batangas dahil sa magkakasunod na lindol na yumanig sa probinsya mula noong nakaraang linggo, kinumpirma ni Governor Hermilando Mandanas ngayong Lunes.

Kabilang dito ang itinuturing na "center of marine diversity" ng Batangas sa karagatang sakop ng bayan ng Mabini.

"Nagkaroon ng kalahating metro na kung tawagin natin ay 'seaslide.' Iyung mga corals naging parang bundok," sabi ng gobernador sa panayam ng DZMM.

Napinsala rin anya ng mga lindol ang itinatayong monumento ng Montemaria, na inaasahang magiging pinakamalaking imahen ng Birheng Maria.

"Mayroong bumagsak na bahagi ng crane na nasa itaas. Ito ay 28 floors at ito ang pinakamalaking imahen ng Blessed Mother sa buong mundo," balita ni Mandanas.

Dagdag niya, nasira rin ang ilang bahagi ng 161-taong-gulang na Taal Basilica at iba pang simbahan sa lalawigan.

Sa kabila ng pinsala sa Montemaria at mga simbahan, kumpiyansa si Mandanas na madadagdagan pa ang mga Katolikong bibisita sa mga ito ngayong Semana Santa dahil patunay ang mga gusali sa "himalang" naranasan ng mga taga-Batangas.

Maituturing anyang himala na gumalaw nang ilang beses ang faultline sa Batangas, imbes na magpakawala ng enerhiya sa iisang lindol, na magiging mas mapinsala.

"Siguro iyung pilgrimage sites, dadami pa ang pupunta dahil ito ay masasabi nating paalala ng sinasabi kong 'himala,'" sabi ng gobernador.

Niyanig ng isang magnitude 5.5 na lindol ang bayan ng Tingloy sa Batangas noong nakaraang Martes.

Daan-daang mahihinang aftershocks ang sunod na tumama sa lalawigan hanggang muli itong yanigin ng 3 malalakas na lindol nitong Sabado.

Walang nasawi sa mga naturang insidente, ani Mandanas.

Patuloy na sinusuri ng lokal na pamahalaan ang structural integrity ng mga gusali sa lalawigan, kasabay ng pamamahagi ng ayuda sa mga naapektuhang residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.