PatrolPH

OFW na ina ng batang biktima ng 'rape-slay' sa Cavite, nakatakdang umuwi

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2023 07:55 PM

Watch more News on iWantTFC

Papunta na ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration sa Jeddah, Saudi Arabia si "Mary Ann" nitong Linggo ng umaga.

Si Mary Ann ang ina ng 7-anyos na babae na pinaslang at hinihinalang hinalay ng kaniyang ninong sa Barangay Cabuco, Trece Martires, Cavite nitong Huwebes Santo.

"Baka po ang flight ko niyan ay Martes so bale Miyerkoles na po ako makakauwi niyan. Siguro ito na reason niya para makauwi ako kasi lagi sabi niya, 'Nanay uwi ka na miss na miss na kita,'" kuwento ni Mary Ann.

"Ang sakit sa magulang mawalan ng anak sa ganyan pang sitwasyon karumaldumal," dagdag ni Mary Ann.

Sa unang pahayag ng suspek, inamin niya ang krimen at humingi ng tawad sa pamilya ng biktima.

Pero makalipas ang 3 araw, itinanggi niyang siya ang lalaking nakita sa ilog kung saan natagpuan ang biktima.

"Sa totoo lang po hindi ko alam 'yong ganong pangyayari. Tinatanggi ko po," giit ng suspek.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa Trece Martires detention facility at nahaharap sa kasong rape with homicide.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na hinalay at sinakal sa leeg ang bata.

"Accordingly po itong batang ito ay ninong niya itong suspek at nag-stay po itong ninong niya sa tatay ng biktima. Nag-inuman po sila magdamag hanggang kinabukasan at 'yong tanghali din pong 'yon, dinala niya sa may ilog 'yong bata at doon na niya hinalay at sinakal 'yong bata," ani Trece Martires police chief Lt. Col. Jonathan Asnan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.