Hindi na puno ng mga pasahero ang mga bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange na bibiyahe papuntang mga probinsiya, sabi ngayong Easter Sunday ng mga ticketing clerk sa terminal.
Karamihan kasi umano sa mga biyahero'y nitong mga nagdaang araw ng Holy Week bumiyahe at nasa probinsiya pa.
Pero may ilang pasahero na sinamantala pa rin ang tumal ng mga biyahero para makauwi sa probinsya.
Mas pinili anila nilang huwag nang makipagsiksikan nitong mga nakaraang araw kaya ngayon lang bumiyahe.
Hindi man okupado ang lahat ng upuan, lumalarga pa rin ang mga bus dahil kailangan ang mga ito sa mga probinsiya, lalo't mayroon na ring mga pasaherong bumabalik sa Metro Manila.
Nag-abiso na rin ang ilang mga bus company na magbaon ng pasensya ang mga pasahero dahil sa inaasahang pagbagal ng biyahe pabalik ng Metro Manila bunsod ng dami ng volume ng mga sasakyan at road repairs sa ilang bahagi ng Quezon province.
Tinatayang nasa 1 hanggang 2 oras umano ang dagdag na travel time.
— Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.