Video by Champ de Lunas, ABS-CBN News
MANILA — Hindi bababa sa 7 katao ang patay habang 150 pamilya naman ang apektado ng 2 magkakahiwalay na sunog sa bayan ng Taytay, Rizal nitong Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay.
Tinatayang nasa P2.5 milyon din ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa mga naturang sunog.
Sa Rosario Street sa Barangay San Juan sumiklab ang unang sunog banda 9:47 ng gabi nitong Sabado. Umabot ito sa ikatlong alarma makalipas ang 15 minuto.
Bandang 11:05 ng gabi naideklarang "fire out" ang nasabing sunog.
Nasa 60 pamilya ang naapektuhan ng sunog na tumupok sa 40 bahay. Humigit-kumulang P1.5 milyon ang danyos nito.
Ayon sa acting fire marshal ng Taytay na si F/Insp. Gary Raymon Cantillon, 7 katao ang nasawi sa sunog habang isa ang nasugatan.
Kinikilala pa raw ng mga awtoridad ang mga nasawing biktima.
Nag-overheat na electric fan ang itinuturong posibleng sanhi ng sunog.
Makalipas ang 2 oras, isa na namang sunog ang sumiklab sa Barangay Dolores sa bayan pa rin ng Taytay bandang 1:37 ng madaling araw ngayong Linggo.
Halos 2 oras ang itinagal ng sunog na mabilis umanong kumalat dahil gawa sa light materials ang mga bahay roon.
Wala mang nasaktan o nasawi sa sunog na ito, tinatayang nasa 90 pamilya naman ang naapektuhan.
Nasa P1 milyon din ang halaga ng mga bahay at ari-arian na tinupok nito.
Sumiklab ang 2 sunog sa mga masisikip na lugar kaya nahirapan umano ang mga bumbero na apulahin ang apoy. Hindi rin makapasok ang kanilang mga trak.
Nasa 40 fire truck ang rumesponde sa dalawang sunog.
Dahil sa nangyaring mga sunog, pinayuhan ni Cantillon ang publiko na maging mapagmatyag, lalo na sa mga ginagamit na electric fan.
“Kasi po summer ngayon gamit na gamit ang electric fan natin ngayon po. Iyan po sa katagalan ay nagkakaroon po ng overheating. Bumabagal po ang ikot ng motor at maaaring maging sanhi po ng sunog nito. Iyong motor po niya mismo ang natutunaw at iyon po ang pagsisimulan ng apoy," aniya.
—Ulat ni Champ de Lunas, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.