PatrolPH

Bahagi ng bayan ng La Libertad sa Negros Oriental binaha

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2022 02:32 PM

Video courtesy of Leyn Benondo

 

Biglang rumagasa ang baha sa ilog sa Barangay Pacuan sa bayan ng La Libertad, Negros Oriental Biyernes ng umaga.

Nakuhanan ng video ni Leyn Benondo ang aniya'y ulo ng baha, kung saan ay biglang lumaki ang ilog dahil sa malakas na agos ng tubig.

"Bago pa dumating ang malaking baha, mayroon na pong tumawag sa amin through handset radio galing sa ibang barangay," ani Benondo, na nagtitinda sa gilid ng ilog.

Kita sa video niya ang sasakyan at ilang residente na nagmadaling dumaan sa tulay habang ang iba ay nag-aabang sa paparating na baha.

Sa pagragasa ng baha, umapaw ito sa daan dahil hindi nakayanan ng mga imburnal sa tulay.

Simula Lunes ay umuulan na, ayon kay Benondo, pero noong Huwebes, buong magdamag umano ang ulan doon.

Nagdala ng pag-ulan sa iba't ibang bahagi ng Visayas at Mindanao ang umiiral na low pressure area nang mga nakaraang araw, ayon sa PAGASA.

– Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.