PatrolPH

Nagnakaw umano ng motor sa Taguig huli sa checkpoint

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2022 04:03 PM

Huli ang isang pinaghihinalaang nagnakaw ng motor matapos maharang sa checkpoint sa 8th St. corner Durian St., Barangay North Signal Village, Taguig City nitong Biyernes.

Kinilala ang suspek na si alyas Jan, 31, at residente ng Muntinlupa City.

Ayon sa report ng pulisya, ipinarada umano ng babaeng biktima ang kaniyang motor sa Navy Road Zone 4, Brgy South Signal, Taguig.

Matapos ang pakikipag-usap sa kaibigan, napansin ng biktima na wala na ang kaniyang motor.

Nagtungo siya sa pulisya at agad naalerto ang mga checkpoint personnel tungkol sa detalye ng tinangay na motorsiklo.

Saktong natanggap ang abiso ay dadaan naman umano ang itim na motorsiklo sa checkpoint sa North Signal Village kung kaya’t agad itong naharang.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung miyembro ng isang motornapping group ang akusado na nasa kustodiya na ng Taguig City Police. – Ulat ni Reniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.