4 magkakamag-anak natagpuang pinatay sa compound sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2021 05:49 AM | Updated as of Apr 09 2021 06:03 AM

Kuha ng Bacolod City PNP

BACOLOD CITY—Apat na magkakamag-anak ang natagpuang patay sa loob ng isang compound sa Barangay Tangub sa lungsod na ito Miyerkoles.

Kinilala ang mga biktima na sina Jocelyn, Jemma, Michael Lumogdang, at isang menor de edad na anak umano ni Michael.

Ayon sa suspek na si Christian Tulot, na umamin na kasabwat sa nangyaring krimen, nag-iinuman si Michael at isang lalaki na kinilalang Bro sa naturang compound at nagkasagutan ang mga ito noong Linggo.

Agad itinali ni Bro si Michael at saka minartilyo ang biktima. Ayon kay Tulot, lumabas mula sa bahay si Jocelyn, na tiyahin ni Michael, para awatin sila pero itinaboy siya ni Tulot at pinagtataga sa ulo gamit ang itak ni Bro.

Pumagitna rin sa gulo ang kapatid ni Jocelyn na si Jemma, kaya pinagtataga rin siya sa ulo ni Bro. 

Ani Tulot, hindi siya ang pumatay sa mga biktima at wala rin siyang magawa kasi tinutukan siya ng baril ni Bro para sa mga gamit na kinuha sa compound, na nagkakahalagang P35,000.

May utang umano si Michael na P35,000 na halaga ng ilegal na droga ni Michael kay Bro at ito umano ang naging ugat ng krimen.

Inabutan ng mga kaanak nitong Martes ang mga biktima na nangangamoy na ang mga bangkay sa iba't ibang sulok ng isang compound.

Napatay din ang 6-anyos na anak ni Michael. Ayon sa pulisya, hindi pa matukoy kung sino ang pumatay sa bata.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Tulot na todo tanggi pa rin sa krimen. May nakuha umano ang mga pulis na hinihinalang shabu mula sa kaniya kaya kinasuhan siya ng possession of illegal drugs.

Kakasuhan din siya ng multiple murder kasama si Bro na ngayo'y pinaghahanap. — Ulat ni Romeo Subaldo

MULA SA ARKIBO

Watch more in iWantTFC
 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.