PatrolPH

Quezon province isinailalim sa total lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 10:56 AM | Updated as of Apr 09 2020 10:57 AM

Isinailalim sa total lockdown ang buong Quezon province simula hatinggabi ng Huwebes bilang hakbang laban sa patuloy na pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

 

Sa isang executive order (EO), nagpatupad si Governor Danilo Suarez ng extreme enhanced community quarantine sa buong lalawigan.

Nakasaad sa EO na wala nang makapapasok na ibang tao sa lalawigan. Kinakailangang may travel permit ang isang indibiduwal kung papasok o bibiyahe papunta sa Quezon.

 

Ipagpapatuloy umano ang pagpapatupad ng "one person per household" na paglabas ng bahay para bumili ng mga pangangailangan.

Sarado pa rin ang ibang establisimyentong hindi kasama sa mga idineklarang exempted sa mga patakaran ng Inter-Agency Task Force.

Suspendido pa rin ang pampublikong transportasyon.

Kung may sasakyan, iisa lamang dapat ang pasahero nito at kung nakamotorsiklo ay wala dapat angkas.

Ipatutupad ang mahigpit na pagsusuot ng face mask kung lalabas ng bahay.

Wala naman daw dapat ipag-alala ang mga exempted sa checkpoint dahil hindi haharangin ang mga ito, tulad ng mga cargo na may essential goods.

Maaari pa rin umanong lumabas ng bahay ang frontliners para magtrabaho.

Inatasan naman ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng isolation at quarantine facility para sa COVID-19 cases.

Sa huling tala, umabot na sa 19 ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa lalawigan.

-- Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.