Miyembro ng Philippine Marines, patay sa aksidente sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 01:00 AM

Photo courtesy of Sultan Kudarat PNP

Patay ang isang miyembro ng 1st Marine Brigade ng Philippine Marines habang 12 kasama nito ang sugatan nang maaksidente ang sinasakyang military truck sa Barangay Alamada, Sultan Kudarat, Maguindanao nitong Miyerkoles ng umaga.

Sa ulat mula sa Sultan Kudarat Police, nanggaling sa brigade headquarters ang mga tropa ng Philippine Marines at papunta sana sa Pigcawayan, Cotabato Province para mamili ng supply.

Pagdating ng mga ito sa pakurbang bahagi ng Barangay Alamada, Sultan Kudarat, pumutok umano ang likurang gulong ng military truck at nagpagulong-gulong.

Sa lakas ng impact, patay si Cpl. Mitra Anthony Sucaldito.

Nagpapagaling naman ngayon sa Camp Siongco Hospital sa 6th Infantry Division ang 12 nitong kasama na pawang sugatan sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.