Mga preso lumahok sa online Misa, pabasa: BJMP

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 11:48 AM

Bahagi pa rin ang mga nakapiit sa bilangguan sa pagdiriwang ng Semana Santa kahit may ipinatupad na enhanced community quarantine bilang pag-iingat laban sa novel coronavirus disease (COVID-19).

Sa pamamagitan ng special live Masses sa Facebook, mga online pabasa, at iba pang online prayer activity lumalahok ang mga nasa bilangguan, ayon sa tagapagsalita na Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon kay BJMP Spokesperson Xavier Solda, sa ilang bilangguan ay may naka-set up na projector para doon mapanood ang online Mass habang mahigpit na ipinatutupad ang physical distancing sa mga preso.

Sa ibang bilangguan naman ay may naka-set up na sound system para mapakinggan ng mga preso ang misa, ani Solda.

Ayon kay Solda, tuloy-tuloy ang decontamination operation sa mga bilangguan.

Bago makapasok sa pasilidad ay kailangan munang dumaan sa thermal scanning at foot bath.

May nakatalaga ring handwashing area at ipinatutupad ang "no mask, no entry" sa mga tauhan ng bureau.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.