Pagpatay sa dolphin sa Northern Samar, iniimbestigahan na

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 06:49 PM

Watch more in iWantTFC

Video courtesy of Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC)

Iniimbestigahan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Eastern Visayas ang nangyaring pag-bangkaw sa isang dolphin sa Bangon River sa Sitio Karawisan, Barangay Libertad sa bayan ng Victoria sa Northern Samar noong Biyernes.

Sa video, makikita na gamit ang kawayan, binangkaw ng isang lalaki ang dolphin.

Wala na doon ang dolphin nang rumesponde ang kinatawan ng local government ng unit ng Victoria pero may ilang mga residente na nakakita sa pangyayari.

Napag-alaman din na posibleng kinatay ang nasabing na-stranded na spinner dolphin.

Nakikipag-ugnayan na ang Fisheries Protection and Law Enforcement Group ng BFAR sa lokal na pamahalaan ng Victoria at mga pulis hinggil sa insidente.

Maaaring maharap sa paglabag sa Fisheries Administrative Order No. 208 ang sinumang mapatunayang nagkasala sa insidente.

Apela naman ng BFAR sa publiko na isumbong sa mga pulis kung may mga impormasyon sila ukol dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.