Mga napabayaang bantayog, teritoryo, nabanggit sa Araw ng Kagitingan

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 09:09 PM | Updated as of Apr 09 2019 09:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inalala ang kabayanihan ng mga sundalong lumahok sa Bataan Death March sa ika-77 na Araw ng Kagitingan nitong Martes sa harap ng umano’y pagpapabaya sa mga bantayog ng mga bayani, at isyu ng soberaniya ng Pilipinas na umano ay nasasaling dahil sa usapin ng West Philippine Sea. 

Sa harap ng pag-alala sa mga biktima ng Death March sa Bataan, namataang napabayaan at nasira ang ilan sa mga marker na gumugunita sa kanilang kabayanihan. 

Marami na rin ang naiurong ang puwesto para sa mga road project ng Department of Public Works and Highways (DPWH). 

Bukod sa natabunan ng lupa at binakbak na pintura, may iilan pang mga bantayog na nabiktima pa ng bandalismo - bagay na ikinadismaya ng mga kaanak ng mga biktima ng Death March. 

“Binalewala na, nasasalaula na ng bagong henerasyon, mga gobyernong nakaupo. They are only after the money. That’s the reality!” ani Cesar Perez, kamag-anak ng isang sundalo noong World War II. 

"’Yung mga kabataan ngayon, wala na. Hindi na inaasikaso eh,” ani Felomina Olarre, asawa ng isang sundalo. 

Ayon sa DPWH, hindi maiiwasan ang paglilipat ng ilang marker para sa road project pero hindi naman anila ito napapabayaan at inaayos naman daw nila ang mga ito kapag sira. 

"Mayroon kaming coordination doon sa lahat ng mga gumagawa ng mga road section dito sa bayan: lahat ng mga Death March markers natin ay tanggalin nila kung tatamaan at i-relocate nila," ani Ulysses Llado, engineer ng DPWH Bataan. 

Patuloy naman ang pagkalap ng donasyon ng Filipino-American memorial endowment para sa magpapagawa ng mga marker. 

Watch more in iWant or TFC.tv

BANTAYOG NG MGA BAYANI 

Tila mga tuyong dahon at damo lang ang dalaw ng Wall of Remembrance sa Bantayog ng mga Bayani na sumasaludo naman sa mga naggiit ng hustisya at karapatan para sa mga Pilipino noong panahon ng Martial Law. 

Ikinalungkot ito ni Edre Olalia ng National Union of People's Lawyers, na kaanak ang dalawang may mga pangalan sa bantayog. 

"’Yun ang masaklap sa ating kasaysayan na naalala natin taon-taon lamang. Minsan nga tokenism lang, kumbaga para makaraos lang,” aniya. 

Tingin ng historian na si Ian Christopher Alfonso, malaking tulong kung magkakaroon ng malalim na aralin tungkol sa mga bayani ang mga eskuwelahan. 

"Huwag tayong magkalat sa historic sites. Kapag holiday sana, 'wag lang sana matamo sa mga bata o kahit sa mga Pilipino na pag sinabing holiday, mall, gala kaya nga siya holiday dahil pagninilay ng bayan, ng bansa,” ani Alfonso, na tumatayong Senior History Researcher ng National Historical Commission of the Philippines. 

Inanyayahan din ni Alfonso ang mga lokal na pamahalaan na ipangalan ang mga kalsada sa mga bayani para makilala pa rin sila ng mga susunod na henerasyon. 

BAYANIHAN SA PAGGIGIIT SA TERITORYO 

Samantala, kinalampag ng ilang grupo ang Chinese embassy para igiit sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaglabang pagmamay-ari ng Pilipinas ang West Philippine Sea. 

Nagbisikleta ang may 50 bikers mula Bonifacio Monument sa may Manila City Hall hanggang Makati Fire station. 

Tingin ng isang nagprotesta, maaaring ito rin ang igiit ng mga pumanaw na bayani kung nangyari ang isyu noong Ikalwang Digmaang Pandaigdig. 

"Unang-una babaligtad ano, sa kanyang libingan si Gabriela Silang kung malalaman niya ang nangyayari ngayon dito sa China at sa ating bansa, 'yung pangangamkam ng ating mga assets," ani Gabriela Rep. Arlene Brosas. 

Giit naman ng mga senatorial candidates na sina Chel Diokno at Neri Colmenares, pagbibigay-pugay din sa kabayanihan ng mga Pilipino kung ipaglalaban ang interes ng bansa sa West Philippine Sea na ngayon ay halos kontrolin na umano ng Tsina.

Laman din ng tarpaulin na ikinabit sa overpass sa bahagi ng Quezon Avenue ang isyu sa West Philippine Sea. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Panawagan naman ni Duterte sa isang pahayag na itaguyod ang soberaniya ng bansa sa paggunita ng Araw ng Kagitingan. 

"[I]t is my hope that we will all be inspired to remain steadfast like our forefathers and their allies in upholding our sovereignty and in protecting the rights and freedoms that our people enjoy today,” ani Duterte. 

Samantala, ayon kay Bise Presidente Leni Robredo, dapat magsilbing paalala sa mga Pilipino ang mga dinanas ng bansa, lalo na't iba na aniya ang kinakaharap na mga laban ng bansa. 

"Nawa 'yung kanilang pinagdaanan maging inspirasyon sana natin na lahat ng katiwalian, lahat ng kasamaan na nagbibigay ng pangamba sa ating bayan, ay kasingtapang din tayo nu'ng mga nauna sa atin." aniya sa isang talumpati sa Mt. Samat sa Bataan. -- Ulat nina Sherrie Ann Torres at Michael Delizo at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.