PatrolPH

Guro nanakawan ng P30,000 sa ATM switching modus

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 02:03 PM

Natangayan ng P30,000 ang isang guro na nabiktima ng ATM switching scam sa Cagayan de Oro. 

Modus umano ng mga suspek ang kunyaring paggabay sa mga hindi maalam mag-withdraw sa ATM saka papalitan ang card, aalis, at magwi-withdraw ng pera sa ibang makina.

Gagamitin sana sa pagpapa-opera ng ovarian cancer ng biktima ang perang nalimas sa kaniya. 

Ayon sa kuha ng CCTV noong Abril 1, nagwi-withdraw ang guro sa isang mall nang tabihan ito ng isang lalaki. 

Tinuruan umano ng lalaki ang guro na mag-operate sa ATM. Siya na rin mismo ang nag-reject ng ATM card ng guro. Hindi namalayan ng guro na pinalitan na pala ng suspek ang ATM card at biglang umalis. 

Napansin lang nilang nabago ang card nang subukan ng kapatid ng biktima na magwithdraw sa ibang ATM. 

Ayon sa kapatid ng biktima, nahirapang magwithdraw ang biktima dahil naiwan nito ang kaniyang salamin. 

May mga tatlo pang nakalook-out umano sa suspek, ayon kay Police Lt. Tawide Galleon, Deputy Station Commander ng Agora Police Station 3

Ipinaalala ng mga pulis na huwag magtiwala sa mga tumutulong kapag magwi-withdraw sa ATM. Kung nahihirapang magwithdraw ay mabuting magdala ng kakilala para hindi mabiktima. 

-- Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.