ALAMIN: Pananagutan ng kandidatong nanapak ng Comelec staff

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 03:37 PM | Updated as of Apr 09 2019 03:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay inaresto ang isang kandidato sa pagka-bokal sa Tarlac matapos umanong manapak ng election officer na bumaklas at nagtakip ng pintura sa campaign material nito.

Katuwiran ng kandidato: hindi siya sinabihan ng election officer ukol sa paglabag at pininturahan na lang umano para matakpan ang mga campaign material niya. 

Hindi rin aniya patas sa pagbabaklas ang mga election officials. 

Pero ayon sa abogadong si Noel Del Prado, patong-patong ang magiging parusa sa kandidato. 

Maituturing na paglabag sa Omnibus Election Code ang pagpaskil ng poster ng kandidato lalo na't ipininta ang slogan sa pader. 

Nakapintura sa pribadong bakod ang kaniyang campaign slogan at lumabag ito sa maximum material size na 2 x 3 feet para sa mga individual posters, 12 x 16 feet para sa political parties, at 4 x 6 feet para sa mga independent candidate. 

"Ipininta ang pangalan sa pader ng private property at mali pa sa sukat na pinapayagan ng Comelec (Commission on Elections)," ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla" noong Lunes. 

Maaari aniyang parusahan ng direct assault, isang kasong kriminal sa Revised Penal Code, ang kandidato lalo na't ginagawa ng election official ang kaniyang trabaho nang mangyari ang insidente. 

Maaari rin daw parusahan ng slander by deed ang kandidato dahil sa pagbabanta nang masama sa election officer. 

Bukod pa rito ay maaari pang ma-disbar ang kandidato - na isang abogado - bagay na diringgin ng Korte Suprema at ng Integrated Bar of the Philippines. 

"Ang mga abogado inaasahan na alam mo ang batas. So ibig sabihin mas may dagdag kang pananagutan... Ipapa-disbar bukod sa kaniyang kriminal na kaso, mayroon pa siyang pananagutan," sabi ni Del Prado. 

Kung tama naman aniya ang katuwiran ng kandidato na hindi naging patas ang election officer ay maaari raw itong maghain ng pormal na kaso. 

Kapag mahatulan ang kandidato, maaari rin siyang patawan ng perpetual disqualification mula sa pagboto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.