800 empleyado ng NFA mawawalan ng trabaho sa rice tariffication: opisyal

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 04:35 PM | Updated as of Apr 09 2019 04:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinatayang 800 regular na empleyado ng National Food Authority ang mawawalan ng trabaho sa pagpapatupad ng rice tariffication law, ayon sa isang opisyal. 

Kaakibat kasi ng batas ang isasagawang restructuring ng ahensiya at pag-alis sa ilang pangunahing tungkulin ng NFA kabilang na ang pagbenta ng P27 bigas sa merkado. 

Sa panayam sa DZMM, sinabi NFA adminstrator Tomas Escarez na 400 ang direktang maaapektuhan ng pagtanggal ng regulatory function ng NFA sa dumarating na bigas. 

Bukod pa rito ay may mga 400 na mawawalan pa ng trabaho dahil pag-iisahin na lang ang ilang tanggapan sa ilang ahensiya. 

"Magkakaroon din ng mga merging ng mga probinsiya kung saan may mga empleyadong maaapektuhan at ang tinataya po namin ay halos ganoon din ang mawawala na empleyado. So kung tutuusin mga 800 employees ang mga maapektuhan nito." 

Sa ngayon aniya ay binabalangkas nila ang magiging estraktura ng NFA sa pagsasabatas ng rice tariffication, na magiging basehan sa bilang ng mga mawawalang empleyado. 

ALTERNATIBO? 

Pero ayon kay Escarez, maaari pang ma-absorb ang ilan sa ibang ahensiya at bibigyan ng compensation package ang mga apektadong empleyado, na depende sa tagal nila sa NFA. 

Maaari rin aniyang makipagpalit ang mga nais magretiro sa mga empleyado na nakaambang tanggalin sa NFA. 

"Kung sakaling gusto mo ikaw ay may edad na at mahirap na makahanap ng trabaho and you opt to stay puwede kang manatili para maging pro-terminus ang status mo sa position," aniya. 

"Ang mga gusto namang magretiro na (di apektado ng restructuring) ay puwede makipagswap sa mga apektado." 

Kasalukuyang inuubos ang stock sa NFA warehouse na maaaring ibenta sa merkado hanggang Agosto. 

Pagkatapos ng Agosto, malilimitahan na ang trabaho ng NFA bilang tagakuha ng buffer stock ng bigas para sa mga kalamidad at hindi na rin sila magbebenta ng P27-kada-kilong bigas sa merkado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.