'Upakan kita': Duterte, Sereno, nagsagutan

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 09:38 PM | Updated as of Apr 09 2018 11:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumindi pa ang bangayan sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at nakalibang Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Supreme Court.

Kaaway na ang turing ngayon ni Duterte kay Sereno matapos niyang hamunin ang pangulo na ipaliwanag ang kinalaman sa mga hakbang para mapatalsik ang punong mahistrado sa Korte Suprema.

Bago kasi tumulak papuntang Baguio City para sa oral arguments sa quo warranto petition na kumukuwestiyon sa kaniyang kalipikasyon bilang chief justice, humarap muna si Sereno sa kaniyang supporters na nagbigay parangal sa kaniya sa Araw ng Kagitingan.

Sa naturang okasyon, deretsahang tinanong ni Sereno si Duterte kung nasa likod ba siya ng petisyon na inihain ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema.

"Mister President, kung sinabi mong wala kang kinalaman dito, pakipaliwanag po na bakit si SolGen Calida na nagre-report sa iyo ang nag-file nitong quo warranto. Surely you must explain to the people why this unconstitutional act?" tanong ni Sereno kay Duterte.

Agad naman itong sinagot ng galit na pangulo bago siya bumiyahe patungong Tsina.

"If you are insisting, then count me in, count me in and I will egg [Solicitor General Jose] Calida to do his best. Ako na mismo maglakad, kalaban sa 'yo. Sinasabi ko na sa'yo na di ako nakikialam. Now, sige ka diyan daldal nang daldal, o sige, upakan kita," birada ni Duterte.

May parinig din ang punong mahistrado tungkol sa impeachment sa Kongreso na isa pang paraan para matanggal siya sa puwesto.

"'Yong complainant hindi ko pa ho nakikita... ngunit ang sabi niya, ngunit lumalabas pala nakita na siya ng ilang beses ni President Duterte, ano ho?" pang-uusisa ni Sereno.

Mahigpit at malinaw naman ngayon ang bilin ni Duterte sa mga kongresista ukol sa impeachment kay Sereno.

"I am asking the congressmen and the speaker: Do it now, huwag ninyong dramahin," ani Duterte.

Mabilis naman ang tugon ni House Speaker Pantaleon Alvarez na nagsabing tatapusin ang impeachment kay Sereno pagbalik ng sesyon ng Kamara.

"Yes, it will be done once we resume sessions," saad ng pahayag ni Alvarez.

Muli, nanindigan si Sereno na kahit ano'ng mangyari'y hindi siya magbibitiw sa puwesto.

"I will not bow to the powers that be (Hindi ako yuyuko sa mga makapangyarihan)," giit ni Sereno.

Pero hirit ng pangulo, di rin siya titigil hangga't nakapuwesto pa si Sereno bilang punong mahistrado.

"I am now your enemy and you have to be out of the Supreme Court (Kaaway mo na 'ko at kailangan mong umalis ng Korte Suprema)," buwelta ni Duterte.

Sa Martes, Abril 10, gugulong ang quo warranto petition at inaasahang magiging mainitan ang diskusyon sa pagitan ng kampo ni Sereno at kaniyang mga kalabang mahistrado sa Korte Suprema.

Isa na sa mga mahistradong iyan si Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro na ayon kay Sereno ay hindi siya mapatawad sa pagtanggap ng puwesto ng punong mahistrado.

"May isa pong justice, si Justice Teresita De Castro, ang sinabi po sa akin, 'I will never forgive you for accepting the Chief Justice-ship,'" ani Sereno.

-- Ulat nina Adrian Ayalin, Pia Gutierrez, at Dharel Placido, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.