Riding-in-tandem na umagaw sa cellphone, binalikan pa ang relo

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 08:14 PM | Updated as of Apr 09 2018 10:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ng Quezon City police ang mga nakamotorsiklong holdaper na nakuhanan ng CCTV na nambiktima sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.

Sa kuha ng CCTV noong Sabado, makikitang dumating ang mga holdaper at tinutukan ng baril ang isang lalaking naglalakad sa isang kalye sa barangay.

Inagaw ng mga kawatan ang cellphone ng biktima pero hindi pa sila nakuntento at binalikan ang biktima para kuhanin ang relo nito.

Ayon sa kapitan ng barangay na si Rodolfo Palma, nag-iikot talaga ang mga kawatang ito at naghahanap ng mabibiktima kaya mainam na iwasan ang paglalabas ng cellphone sa mga pampublikong lugar.

Nais ni Palma na magpasa ng ordinansa sa kanilang barangay na magbabawal sa pagsuot ng helmet para madaling makilala ang mga kawatan.

"May CCTV nga kami tapos makikita mo nakatago naman 'yong mukha," sabi ni Palma.

Sa Barangay Paligsahan, Quezon City, naaresto naman ang isang snatcher matapos matunton sa tulong ng CCTV.

Unang nakuhanan ng CCTV ang suspek na si Jason Manuel sa may Scout Ojeda habang siya'y hinahabol ng biktima at ilang bystander.

Inakala ng suspek na natakasan na niya ang biktima pero nakuhanan siya ng CCTV na pumasok sa isang opisina, kung saan siya nagpanggap na aplikante. 

Sa opisina siya inaresto ng mga kawani ng Quezon City police at mga tanod ng barangay.

Inamin naman ng suspek ang kaniyang ginawang krimen.

Noong nakaraang linggo, nakuhanan din ng CCTV ang paghabol ng isang babaeng biktima sa isang snatcher sa Scout Reyes, Barangay Paligsahan.

Pero nakatakas ang snatcher nang sumakay ito sa isang traysikel na minamaneho ng kasabwat.

Tiniyak naman ng Quezon City police na patuloy silang magroronda para maiwasan ang mga insidente ng snatching.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.