Pulis, 9 pa huli sa Payatas drug den; binatilyo nasagip

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 08:08 AM | Updated as of Jan 23 2019 06:40 AM

MANILA - Inaresto ng mga awtoridad ang isang pulis at 9 iba pa sa isang umano'y drug den sa Payatas, Quezon City, Linggo ng gabi. Nasagip naman doon ang isang binatilyong drug runner.

May ranggong PO1 at nakatalaga sa maritime group ng Metro Manila ang naarestong pulis. Aniya, "Isang beses pa lang ako pumunta, ngayon."

Inabutan siya ng mga operatiba na gumagamit ng droga kasama ang 9 pang suspek. Nakuha sa lugar ang 19 pakete ng hinihinalang shabu.

Target sana ng operasyon ang may-ari ng drug den na si alyas Nongnong, pero nakatakas siya.

Nasagip naman ng mga pulis ang 13-anyos na anak ni Nongnong, na ginagamit umanong taga-abot ng shabu sa buyer.

Ilalagay muna ang Grade 6 student sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.

Sasampahan ng mga kasong illegal possession of illegal drugs, paggamit ng ilegal na droga at pagbisita sa drug den ang 10 naaresto. Madi-dismiss din sa tungkulin ang nahuling pulis.

"Magsilbing leksyon sa kanya at magsilbing warning sa iba na hindi natin sasantuhin itong mga kasamahan natin," ani Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng Quezon City police.

CUBAO BUST

Samantala, naaresto rin ng mga pulis ang isang dating criminology student sa hiwalay na buy-bust operation sa 15th Avenue sa Cubao, Quezon City.

Nakuha sa 22-anyos na suspek ang 2 pakete ng hinihinalang dahon ng marijuana.

"Gumagamit po ako nagkataon lang na naibenta," pag-amin ng suspek na nasa target list din ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.