Mga tatakbo sa barangay, dapat bang nakatapos ng pag-aaral?

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 09:57 PM | Updated as of Apr 10 2018 10:10 PM

Kuha sa ilang residenteng bumoboto sa President Corazon Aquino Elementary School na pinakamalaking polling center ng Quezon City noong Mayo 2016. Gigie Cruz, ABS-CBN News

Pinag-aaralan na ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung dapat ay nakapagtapos ng pag-aaral ang sinumang kandidato sa anumang posisyon sa barangay. 

Sa kasalukuyan, tanging mga kalipikasyon para makatakbo sa darating na barangay elections sa Mayo 14 ay ang pagiging Pilipino, pagiging residente ng barangay ng di bababa sa isang taon bago ang halalan, pagiging rehistradong botante sa naturang barangay, pagiging edad 18 sa araw ng halalan, at pagkakaroon ng kakayahang magbasa at magsulat.

Pero tingin ng DILG, kulang pa ang mga nabanggit na kalipikasyon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi kasi biro ang maging kapitan o kagawad dahil bukod sa mabigat ang trabaho, milyon-milyon din ang hawak nilang pera.

Tulad ng Barangay Commonwealth sa Quezon City, na isa sa pinakamalaking barangay sa Pilipinas.

May pondo ang barangay na P120 milyon kada taon at may halos 100,000 rehistradong botante. 

Sa Section 17 ng Local Government Code, trabaho ng kapitan at mga kagawad ang pagsasaayos sa agrikultura, barangay health center, day care center, at pagsisigurong malinis at walang basura sa komunidad.

Trabaho rin nilang panatilihin ang kapayapaan at hustisya, kalsada at tulay, water supply, multipurpose at sports center, at public market.

Kaya plano ng DILG na gawing propesyonal ang posisyon ng mga opisyal ng barangay o dapat ay nakapagtapos man lang ng pag-aaral ang mga kakandidato.

Pero para sa ilang kagawad na mula sa Barangay Commonwealth, hindi dapat maging batayan ang pinag-aralan sa kakayahang magserbisyo-publiko.

Paliwanag ni Precy Baquiring, isang kagawad, mas mahalaga ang pagpili ng tao sa pamamagitan ng boto.

May mga tao rin daw na mataas nga ang pinag-aralan pero hindi naman maayos ang trabaho.

Para kay Baquiring, kahit may pinag-aralan man o wala, ang mahalaga ay ang kahandaan na magserbisyo.

Pinag-aaralan din ng DILG na bigyan na rin ng suweldo ang mga opisyal ng barangay na sa ngayo'y tumatanggap lamang ng mga honoraria.

Pabor naman dito ang kagawad na si Rowena Lucas.

Aniya mas mainam kung may sahod ang mga opisyal ng barangay dahil sila ang unang nilalapitan ng mga kabarangay na nangangailangan ng tulong pinansyal.

Pero dahil sa isang buwan na ang barangay at SK elections, malabong maipatutupad pa ang mga panukalang nabanggit.

Kaya hinihikayat na lang ng DILG at National Citizen's Movement For Free Elections (Namfrel) ang mga kakandidato na i-post ang kanilang mga resume, biodata, o curriculum vitae sa mga barangay hall o sa social media para may pagbatayan ang mga botante sa kakayahan ng kanilang kandidato. -- Ulat nina Ron Gagalac at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.