'Mga empleyado sa Boracay, di dapat sibakin'

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 08:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga establisimyento at employer sa Boracay laban sa pagsisibak ng kanilang mga empleyado sa gitna ng anim na buwang pagpapasara sa isla.

Sa isang abisong inilabas noong Biyernes, sinabi ni Bello na hindi dapat sibakin sa trabaho ang mga empleyado kapag tumigil na ang operasyon ng mga negosyo sa isla.

"Employees are expected to be recalled back to work upon the lifting of the temporary closure of Boracay island," sabi ni Bello sa abiso.

Una nang sinabi ni Bello na magpapaabot ng tulong pampinansiyal ang kanilang ahensiya para sa mga manggagawang apektado ng Boracay closure, na magsisimula sa Abril 26.

Pero nangangamba pa rin ang ilang manggagawa dahil hindi pa rin nila alam kung paano makuha ang ayuda ng gobyerno.

"Hindi kami makagalaw nang maayos kasi hindi namin alam ang gagawin," sabi ng isang kitchen supervisor sa isla. "Sana may taga-DOLE na pumunta dito para kausapin kami kung ano 'yong tamang gagawin namin."

Nagsimula namang mamahagi ang DOLE gn mga form na sasagutan ng mga manggagawa sa Boracay para sa profiling.

Pero hindi umano lahat ng manggagawa ay nakatanggap ng sulat mula sa DOLE.

INSPEKSIYON

Patuloy naman ang pagsasagawa ng inspeksiyon ng Department of Environment and Natural Resourcers (DENR) sa iba pang establisimyentong posibleng lumabag sa environmental laws.

Pinabuksan nitong Lunes ang kanal sa D'Mall para alamin kung may hindi nagpadugtong sa sewer line at kung may nagtatapon ng waste water o maduming tubig sa drainage system.

Kumuha rin ng sample ng tubig para ipasuri.

Isa rin sa mga kinahaharap na isyu ng D'Mall ang umano'y pagkakatayo nito sa wetlands, na ipinagbabawal ng environment laws.

Pero pinabulaanan na ito ng abogado ng D'Mall at sinabing posibleng nakatanggap lang ng maling impormasyon ang DOLE.

Para kay Environment Undersecretary Jonas Leones, malaki ang hamon sa pagbawi sa wetland areas, na nagsisilbing proteksyon ng isla laban sa baha at iba pang kalamidad.

Ang iba kasi rito'y tinayuan na umano ng mga estruktura.

LAND REFORM AREA

Nais naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing land reform area ang Boracay para ibigay sa mga magsasaka.

"I-land reform ko lahat 'yan then I'll give it to the farmers. I'll give them tractors," sabi ng Pangulo nitong Lunes bago lumipad papuntang Tsina.

Nilinaw rin ng pangulo na hindi siya pumapayag na magtayo ng casino o ano pang negosyo habang nililinis ang isla.

"I never said anything about building anything," ani Duterte.

Ipinahayag naman ni dating Environment Secretary Gina Lopez ang kaniyang pakikiisa sa ginawang hakbang ni Duterte sa problema sa Boracay.

"Boracay is gonna rise [like a] phoenix from the ashes. It's gonna be beautiful like no other. They'll make it back big time. But what's gonna happen, they're gonna do it the right way," sabi sa ANC ni Lopez.

Dagdag pa ni Lopez, dahil sa aksiyon ng gobyerno ay mas naging maingat na rin ang iba pang resort sa bansa na hindi matulad sa Boracay. -- Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.