Lalaki pinatay dahil sa 'masamang tingin'

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 07:57 AM | Updated as of Apr 09 2018 09:38 AM

MANILA - Patay ang isang lalaki matapos saksakin ng lalaking nakatinginan umano niya nang masama sa MRT Avenue, Taguig ngayong Lunes ng madaling-araw.

Kuwento ng isang kaanak, kasama niyang naglalakad ang biktimang si Feljun Fuentes nang makasalubong nila ang isang lalaki at isang babae.

Nagkatinginan umano si Fuentes at ang lalaki hanggang sa bigla nitong pagsasaksakin ang biktima sa dibdib. Sinipa rin umano ng suspek ang kaanak ng biktima na si John Musguerra kaya hindi ito nakatulong.

Agad namang naaresto ang suspek ng isang pulis na naka-sibilyan at tiyempong nasa lugar.

Pero iginiit ng suspek na binangga siya ng lasing na biktima na tila naghahamon pa. Aniya, kasama niya ang kaniyang nobya kaya nasaksak si Fuentes bilang self-defense.

Dagdag ng suspek, may dala siyang patalim dahil maraming lasing sa lugar.

Gayunman, nahaharap ang suspek sa kasong homicide. Pansamantala siyang ikinulong sa Taguig police station.

Ulat ni Jekki Pascual ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.