Halos 350 istraktura pinapaalis sa timberland ng El Nido

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 11:50 AM | Updated as of Jan 23 2019 12:53 PM

EL NIDO, Palawan - Nagsimula na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hainan ng notice to vacate ang 346 istraktura sa bayang ito para umalis sa timberland o kakahuyan na pag-aari ng gobyerno.

Saklaw ng utos ang 84 commercial establishments at 262 na bahay sa mga barangay ng Corong-Corong, Buena Suerte, Maligaya, Masagana at Bebeladan.

Ayon sa DENR-Mimaropa, nilabag ng mga istraktura ang Revised Forestry Code of the Philippines at National Integrated Protected Areas Systems Act.

Sinaway rin umano ng mga ito ang Proclamation No. 32 na nagdeklara sa bayan ng El Nido bilang protected area; at ang Water Code na ipinagbabawal ang anumang konstruksyon sa 40–meter salvage zone sa paligid ng mga ilog, dagat at lawa sa mga timberland.

"May mga sinasabi na (may) dokumento sila. So, it's up for them na sagutin yung notice," ani Felizardo Cayatoc, environment officer ng lalawigan.

"Kung hindi ma-justify yung existence niya or yung occupation nila doon, upon receipt ng notice at wala silang maisasagot doon na documents to show proof na legal yung occpuation nila ay talagang necessary na mag-vacate sila,” dagdag niya.

Gigibain aniya ng lokal na gobyerno ang mga istraktura kung hindi ito kusang sisirain ng mga may-ari 30 araw mula matanggap ang notice to vacate.

Nitong Marso 12, 32 istraktura ang nahainan ng notice dahil sa paglabag sa easement zone regulation. Dalawa pa lang sa mga ito ang nag-self demolish, kahit pa sa Abril 11, Miyerkoles, na ang deadline, ayon sa DENR.

Umapela naman ang ilang negosyante na bigyan ng DENR nang hanggang Hunyo para makasunod sa notice to vacate.

"Magastos 'yung pagbaklas. Pangalawa, semento ito, sementado. At the same time, you have to look at itong mga nagta-trabaho," paliwanag ni Rene Jay De La Calzada, municipal administrator ng El Nido.

"May aayusin pa sila in terms of mga payments. Kasi may affected talagang mga jobs dito kung sakaling malaking portion ng kanilang gusali ay mawala."

Nanindigan naman ang DENR-MIMAROPA sa isang statement na ipagpapatuloy ng Task Force El Nido ang demolisyon ng mga gusali sa Abril 11.

Inaasahang susunod na magbibigay ng mga notice of violation ang ahensya sa katabing bayan ng Coron kapag nailabas na ang resulta ng ginawang inspeksyon sa lugar.