Anak ng guro nalunod sa resort sa Minglanilla

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 08:57 PM

Iniimbestigahan ngayon ng Minglanilla Police Station ang pagkalunod ng isang 3-taong gulang na anak ng isang guro.

Nalunod ang bata pasado alas-9 Lunes ng umaga habang naliligo sa isang resort sa Barangay Tungkil sa bayan ng Minglanilla.

Ayon kay SPO1 Rolando Bastida, nag-outing ang pamilya nang mangyari ang insidente. Hindi namalayan ng mga magulang na nahulog na pala ang bata.

Hindi agad nakaresponde ang lifeguard ng naturang resort. Hindi na umano nito nakita na may nalulunod na palang bata dahil naging abala siya sa paglilinis ng pool.

Dinala pa sa ospital ang bata, pero patay na rin itong umabot sa Minglanilla District Hospital.

Hiniling ng pamilya na huwag nang pangalanan ang bata. Tumanggi na rin ang resort na magbigay ng pahayag hinggil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.