2.7 kilong LPG cylinder, di dapat gamitin sa loob ng bahay –DOE

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 06:08 PM

Naglabas ng panuntunan ang Department of Energy (DOE) na nagsasabing dapat ay "for outdoor use" lang o sa labas ng bahay puwedeng gamitin ang 2.7 kilong liquefied petroleum gas (LPG) cylinder.

Aatasan din ng DOE ang mga manufacturer na lagyan ng markang "for outdoor use only" ang mga maliliit na tangke ng LPG bilang gabay sa mga konsumer.

Paliwanag ng DOE, kulang kasi sa safety feature o mga salik na pangkaligtasan ang maliit na tangke ng LPG kaya dapat ay sa labas ng bahay lang ito gamitin.

Sabi ng LPG Marketers' Association (LPGMA), ang 11 kilogram na LPG cylinder ang pang-household o puwede sa loob ng bahay.

Pero ang 2.7 kilo na LPG daw ay sadyang dinisenyo para sa campers o 'yong mga namumundok o kaya'y magka-camping, kaya talagang pang-outdoor use o sa labas ng bahay ang gamit.

Ang gasulette ay naglagay muna ng sticker habang inaayos pa ang pag-imprenta ng paalalang "for outdoor use only" sa tangke mismo na iuutos din sa lahat ng manufacturer ng 2.7 kilo na tangke.

Balak ding kausapin ng DOE ang mga homeowners association para sa ligtas na gamit ng maliit na LPG tank.

Noong Mayo ng nakaraang taon, isang buong mag-anak ang sugatan nang sumabog ang tangke ng LPG sa gitna ng paghahanda ng pamilya ng ihahandang pagkain para sa kaarawan ng kanilang padre de pamilya.

-- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.