2 patay sa banggaan ng van, kotse sa GenSan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 08:41 PM | Updated as of Jan 24 2019 03:05 AM

GENERAL SANTOS CITY – Wasak ang harapan ng isang kotse at isang van matapos magsalpukan Lunes ng madaling araw sa national highway sa Barangay Labangal, General Santos City. 

Kwento ng ilang residente na nakatira malapit sa accident site, nagising na lang sila bandang alas dos ng madaling araw sa isang malakas na kalabog at paglabas nila sa kalsada, nakita nila ang 2 sasakyan.

Tumilapon sa kalsada ang ilang pasahero ng kotse. Dead on the spot si Francis Paul Rosales, 27 anyos. Patay din ang driver ng kotse na si Bayani Paul Calonzo matapos bawian ng buhay sa ospital pasado alas tres ng madaling araw kanina. 

Kritikal naman ang lagay nang isa pang kasama nila na kinilalang si Joshua Tumambing.

Sa imbestigasyon ng General Santos Traffic Unit, binabaybay ng magkakaibigan ang national highway pero paglagpas sa tulay sa Barangay Labangal, bigla na lang nagsalpukan ang magkasalubong na kotse at van. Walang nakitang skid mark ang Traffic Management Unit sa accident site, ibig sabihin parehong hindi gumamit ng preno ang dalawang sasakyan.

“Nagswerve 'yung Mirage sa lane ng kasalubong niyang Starex van kaya sila nagka-head on collision. Ang problema lang kasi 'yung highway natin diyan ay naka-aspalto, walang guhit sa gitna kaya 'di mo alam kung nasa tamang lane ka pa ba," ani PO2 Maynard Mallo, imbestigador ng GenSan Traffic Management Unit.

Noong nakaraang buwan, halos 200 aksidente ang naitala sa GenSan Traffic Management Unit. Kaya ang paulit-ulit na paalala ng mga awtoridad, mag-ingat sa pagmamaneho at huwag maging kaskasero para iwas-disgrasya sa kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.