14 nailigtas sa lumubog na bangka sa El Nido

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 09:47 AM | Updated as of Apr 09 2018 09:55 AM

Inaabutan ng salbabida ng mga awtoridad ang 2 turistang nasagip mula sa lumubog na motorbanca. Larawan mula sa PCG-El Nido

EL NIDO, Palawan - Nasagip ng Philippine Coast Guard ang 10 dayuhan at 4 na boat crew matapos lumubog ang kanilang sinasakyang motor banca sa karagatang sakop ng Hidden Beach, Matinloc Island dito, Linggo.

Ayon sa kapitan ng bangkang Tame Boy, patungo sila sa Hidden Beach nang magdesisyong tumigil dahil malakas ang alon. Pero aksidente aniyang naputol ang anchor line ng bangka kaya natangay ito ng alon at tuluyang lumubog.

"Nai-report sa amin na may lumubog na bangka. Nakita natin yung bangka na half-submerged," sabi ni PCG-El Nido station commander Harvey Marmol.

"Habang papalapit tayo doon ay halos mawasak na ang bangka dahil sa lakas ng hampas ng alon."

Inikot aniya ng PCG ang Hidden Beach hanggang makita ang 14 pasahero at boat crew. Walang natamong sugat ang mga ito.

Pansamantala namang kinansela ng mga awtoridad ang mga tour sa Hidden Beach, Matinloc Island dahil sa lakas ng hangin. Maaari namang subukan ng mga turista ang iba pang island destination sa El Nido.

Ulat ni Cherry Ann Camacho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.