PatrolPH

Sunog sumiklab sa QC nitong Biyernes Santo

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2023 01:55 PM

MAYNILA - Sumiklab ang sunog sa ilang bahay sa Barangay Dona Imelda sa Quezon City, gabi ng Biyernes Santo.

Pasado alas-10 ng gabi nang iniulat ang sunog, at idineklarang fire out bandang ala-1 ng madaling araw ng Sabado de Gloria. 

Ayon kay Senior Superintendent Aristotle Bañaga, District Fire Marshall ng Quezon City, nahirapan silang patayin ang sunog dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig. 

Patuloy aniyang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog, pero ayon kay Bañaga posibleng electrical ang naging dahilan. 

"Una kumislap muna," ayon sa purok leader na si Wenefredo Tabor, na kabilang sa mga nasunugan. Tanging gas tank lang ang naisalba ni Tabor mula sa kaniyang bahay.

Kasama rin sa nasunugan ang isang buntis na residenteng si Nelsey Narvato. 

"May naririnig kaming sumisigaw na sunog, kaya nagsipag anuhan din kami. Pero hindi namin alam saan galing yung sunog eh," aniya.

Hindi pa matiyak kung ilang pamilya ang apektado ng sunog, gayundin ang halaga ng mga natupok na ari-arian.

Isang fire volunteer ang nasugatan sa insidente matapos itong makapaapak sa pako.

-- Ulat ni Champ De Lunas, ABS-CBN News 

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.