Nanawagan ng tulong sa gobyerno ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula Saudi Arabia si Mary Ann upang agarang makauwi sa Pilipinas.
Si Mary Ann ang ina ng 7-anyos na batang babae na pinaslang at hinalay umano ng kaniyang ninong sa Barangay Cabuco, Trece Martires, Cavite nitong Huwebes Santo.
‘Gusto ko po sana makauwi na kasi para sa huling sandali masilayan ko ang anak ko, hirap na hirap na po ako rito. Sabi ko sa mga anak ko hintayin muna ako at huwag muna ilibing,’ dagdag ni Mary Ann.
Sukdulan din ang galit ng tatay ng biktima na si Ed.
Hindi niya umano akalain na dating kasamahan sa trabaho at mismong ninong ng kanyang anak ang gagawa ng masama rito.
Kwento niya, nag-iinuman sila sa likod ng kanilang bahay nang mangyari ang krimen. Napansin niyang hindi na mapakali ang suspek na labas-pasok sa bahay kung nasaan ang kanyang bunsong anak. Sa ikatlong paglabas ng suspek ay hindi na ito bumalik sa inuman.
"Yung anak ko po kasi, yung pinag-inuman namin (na bote) ng gin binenta po. Siguro po nakaabang na sa kanto yung (ninong) sinama," ani ng tatay ng biktima.
Ibinebenta umano ng bata ang mga bote upang may maipambili ng ice candy. Subalit nang maabangan siya ng kanyang ninong ay dinala na ito sa ilog at pinagsamantalahan.
Nakaburol na sa kanilang tahanan sa Barangay Cabuco ang mga labi ng pitong taong gulang na biktima.
Hinihintay na lang ang pag-uwi ng ina bago mailibing ang bata.
Wala nang planong bumalik sa Saudi ang nanay ng biktima.
"Ayoko na pong bumalik kasi nakakawala na gana magtrabaho rito. Kung ganyan naman nangyari sa anak ko nakaka-trauma po," ani Mary Ann.
Tiniyak naman ni OWWA administrator Arnell Ignacio na minamadali na nila ang pagpapauwi ng ina ng biktima.
Mabibigyan din ang OFW ng financial at livelihood assistance.
"Nakausap ko na si Mary Ann, pinaaayos ko na rin sa opisina sa Jeddah ang pagpapauwi sa kanya. Reported yan sa OWWA kaya nakilusan agad. May automatic na assistance in all forms, livelihood, financial etc," dagdag ni Ignacio.
Samantala, kasong rape with homicide ang isasampa laban sa suspek na dati nang nakulong sa kasong illegal possesion of firearms.
Nakakulong na siya sa detention facility ng Trece Martires PNP.
Nakikipagtulungan naman ang Pulisya sa mga barangay official upang paigtingin ang seguridad lalo na sa mga liblib na bahagi ng komunidad.
"Ongoing naman yung mga aktibidad natin with regard to anti-criminality, ito kasi mga ganito hindi natin kontrolado isip ng mga tao. Kaya nagpapaalala tayo through social media at sa mga barangay natin na bantayan ang kapaligiran," sabi ni Cavite PNP director Col. Christopher Olazo.
-- Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.