Labinglima, kabilang ang limang magpi-pinsan ang nalunod sa magkakahiwalay na insidente ngayong Semana Santa sa mga probinsiya na Camarines Sur, Batangas, Cagayan, Nueva Vizcaya at Isabela.
Lima sa pitong magpi-pinsan ang nalunod matapos maligo sa dagat sa San Jose, Camarines Sur.
Dead on arrival ang lima sa mga biktima, kung saan tatlo ang menor de edad habang nagpapatuloy ang search and rescue operation para sa isang 16 anyos na dalagita.
Ayon sa imbestigador na si Police Chief Master Sergeant Rodolfo Rivero, ang tiyuhin ng mga ito ang naka-diskubre sa pangyayari dakong alas-9:30 ng umaga.
"Sabi niya (tiyuhin), may consent naman daw no'ng mga lolo ng mga biktima sir," ani Rivero.
Nailigtas sa pagkalunod ang 12-anyos na dalagita, na kasama ang mga pinsan sa pagligo malapit sa tinatawag na "sabangan" o bahagi ng dagat na nasa bukana ng ilog.
Hindi umano nagkulang ang barangay officials sa pagpapaalala sa mga beachgoer na umiwas sa bahaging ito ng beach dahil delikado rito lalo na tuwing low tide, kung kailan mas lumalakas ang water current papunta sa mas malalim na bahagi ng dagat. Mistulang kumunoy rin umano ang buhangin dito.
Dumayo lamang sa lugar ang mga biktima, at posible umanong hindi nakapagtanong sa mga nakatira sa tabing-dagat kung saan sila ligtas na lumangoy.
"Huwag sila basta maglulusong sa dagat. Kung maaari sir, kung may barangay officials sir magtanong," paalala ng pulis.
Rekomendasyon nito sa barangay at LGU na maglagay ng designated area kung saan lamang pwedeng maligo, lalo't inaasahan ang pagdagsa ng pami-pamilyang nais salubungin ang Linggo ng Pagkabuhay sa beach.
Sa Batangas, 3 naman ang namatay kung saan dalawa ay mga bata.
Sa bayan ng Tuy, natagpuan ang bangkay ng isang residente sa ilog sa Barangay Malibu bandang alas-12:05 ng madaling araw.
Natagpuan ding palutang-lutang ang isang 6 anyos na babae sa swimming pool sa Barangay Calubcub, habang nagsu-summer camp retreat kasama ang pamilya.
Nalunod din sa isa pang swimming pool sa Barangay Laiya Aplaya ang isang 3 anyos na batang lalaki bandang alas-8:56 ng gabi ng Biyernes Santo.
Sa San Mateo, Isabela, nalunod ang isang 40 anyos na babae na nakipag-picnic kasama ang mister at limang anak.
Nagkainuman din ang mag-asawa ayon sa mga awtoridad.
Bandang alas-4 ng hapon nang lumusong ang biktima para maligo sa mababaw at umaagos umanong bahagi ng ilog.
Pero ilang saglit ay hindi na siya nakita at pinaniniwalaang lumubog.
Sa tala ng Isabela Police Provincial Office, umabot na sa anim ang biktima ng pagkalunod sa ilog sa kasagsagan ng paggunita ng Semana Santa.
Kabilang sa mga ito ang isang taong gulang na lalaki sa San Mariano; 36-anyos na magsasaka sa Angadanan; ang 43-anyos na padre de pamilya at dalawa niyang anak na edad 15 at pito na pawang taga-Maynila at nagbabakasyon lang sa bayan ng Alicia.
Samantala, nailigtas ng mga kasapi ng Philippine Coast Guard Substation-Aparri West sa pagkalunod ang 19-anyos na binata nitong Biyernes.
Naliligo sa dagat na sakop ng Barangay Bagu, Abulug, Cagayan ang binata nang tangayin ng malakas na alon.
Nasa maayos naman na kondisyon ang binata.
Nalunod naman sa ilog ang isang 6 anyos na babae sa Nueva Vizcaya.
--- May mga ulat nina Arnell Ozaeta, Jonathan Magistrado, at Harris Julio
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.